Tuesday, 28 June 2011

Naghihintay

Matagal tagal na rin akong nakaupo sa silyang ito.

Napa-aga ata ako ng dating kung kaya't wala pa ang hinihintay ko. Sanay naman ako maghintay eh, ilang beses na rin kasi akong naupo dito sa pwestong ito para maghintay ng kung sinu man ang susundo sa akin.

Hindi ako mareklamong tao kaya kahit tirik na tirik ang sikat ng araw eh may ngiti pa rin sa aking mga labing masisilayan. Hindi nakakunot ang aking noo. Pinagpapawisan pero hindi ko na ito pinapansin, may dala naman akong panyong pamunas.

Ilan minuto pa ang lumipas at wala pa rin sya. Kaya ko pa naman maghintay kaya nilibang ko na lang muna ang sarili ko. Nagmasid ako ng mga taong napapadaan sa akin harapan. May iba't ibang katangian. May masaya, may malungkot. Iba ibang mukha.

Isang bata na hinahabol ang kanyang laruang bola ang napadaan sa harapan ko. Napangiti ako. Naalala ko nung bata ako. Musmos na walang muwang. Musmos na walang pinoproblema kung hindi ang kanilang laro at gutom. Musmos na ang nasusugatan lang ay ang balat. Musmos na ang tanging sakit lang na nararamdaman ay ang sugat sa katawan at ang palo ng nagmamahal na magulang.

Wala pa rin siya...

Maingay na dumaan naman ang isang barkada sa aking likuran. Nilingon ko sila dahil naalala ko ang aking mga kaibigan. Naalala ko ang mga biruan at harutan namin. Mga kulitan na nagpatatag sa aming samahan. Ang mga inuman na lalong nagbigay sa amin ng dahilan para maging malapit. Ang mga problemang bumuhos sa bawat sandali nito. Ang mga luha at tawa na aming pinagsaluhan. Sa mga panahong akala ko ay wala na ang lahat ngunit sila'y nandyan pa rin. Takbuhan, kakulitan, at karamay.

Ilang minuto pa ang dumaan. Wala pa rin ang aking hinihintay.

Tinext ko sya kung nasaan na sya.

Ilang minuto pa ulit ngunit walang sagot. Napaisip ako, baka naligaw? baka natrapik? nasabi ko ba kung saang lugar? nandito lang naman ako, hindi ako umaalis sa kinalalagyan ko. hindi ba nya ako makita?

Umupo sa tabi ko ang isnag magkasintahan. Mukhang galit ang isa at ang isa naman ay walang humpay ang pagso-sorry. Nangiti ang una at bigla silang nagyakap. Nagkukulitan na sila. Sweet silang dalawa. Nahiya ako nang mapatingin ako sa kanila. Naiinggit,. Hindi pa sya dumarating.

Napaisip ako ulit.

Nagsimulang umambon, wala akong payong na dala. Hindi naman sya ganoon kalakas kaya hindi na ako nag-atubiling umalis pa sa aking pwesto baka dumating na sya.

Maya maya pa'y may pumarang sasakyan sa may bandang di kalayuan. Alam kong sya na yun. Sya na ang hinihintay ko. Bumaba siya mula sa sasakyan at naglabas ng payong. Naglakad siya patungo sa aking direksyon ng may ngiti sa kanyang mukha. Akoy tumayo sa akin kinauupuan at dahan-dahang tumungo sa kanya. Habang ako'y papalapit ay unti-unti ring lumalakas ang buhos ng ulan na parang bang may sinasabi.

Kaunting hakbang na lang ngunit bigla syang dumiretso papalayo sa akin.

Parang di man lang ako nakita. Ako'y natigilan...napatingin sa kanyang patutunguhan. Bumagsak ang aking luha kasabay ng pagbuhos ng ulan...di ko na alam kung ano ang gagawin...di ako makakilos...wala akong magawa kung hindi ang umiyak...

Tumigil na ang ulan...tumigil na rin ang aking pagluha...wala naman akong magagawa...wala...hanggang dun lang kami...yun lang un...makikita ko lang sya pero hindi sya sa akin patungo...makakasalubong ngunit hindi ako hihintuan...hanggang dun na lang...

Ilang saglit lang ang nakaraan wala na siya. At ako naman'y naiwan ulit dito sa aking kinalalagyan. Naglalakad patungo sa dating silya kong kinalalagyan. Sa isang silyang naging saksi sa lahat. Balik sa simula.

Balik sa paghihintay. Paghihintay sa kung sino man ang darating at ako'y susunduin. Ako'y maghihintay, kahit ako'y nasasaktan.

Paulit ulit. Maghihintay. May darating. Hindi pwede. Aalis. Makakalimot. Ako'y masasaktan

Ako'y maghihintay muli.

3 comments:

  1. I was inspired by a post titled Paghihintay but with a different theme.

    ReplyDelete
  2. If you're metaphorically describing what you feel I would take it light pa. Yet if it did happen literally, I would have lacerated my vein open LOL.

    I once promised a person that I'll be waiting forever. But when I wasn't chosen over someone, I felt broken and disgraced and took back all my immaturity saying the word forever. Hence, forever is a lie.

    Easy lang sa paghahanap. :)

    ReplyDelete
  3. hehehe., thanks for the comment., metaphorically speaking po yan., but I would say na I would not lacerate my pulse naman if ever eh but I don't want to sound na final na yan cause i've never been seriously heart broken/ i've never been in a relationship pa naman., so

    ReplyDelete